May kasabihan na “mahaba ang kamay ng batas.”

Napatunayan ito sa isang kaso ng isang 55 anyos na lalaki na naaresto sa Pangasinan ng mga awtoridad matapos na magtago ng maraming taon dahil sa paulit-ulit umano na panghahalay sa kanyang dalawang menor de adad na apo.

Ayon sa pulisya, nangyari ang panghahalay ng lolo sa bahay ng pamilya sa Marikina City na tumagal ng apat na taon.

Nagagawa raw noon ng akusado ang krimen sa tuwing maiiwan sa bahay ang mga biktima habang nagtatrabaho ang kanilang mga magulang.

Ayon sa pulisya, hindi raw agad nakapagsumbong ang magkapatid.

-- ADVERTISEMENT --

Una raw nagsabi ang mga biktima sa kanilang guro na siya namang nagbigay alam sa mga magulang ng magkapatid.

Pormal na naghain ng reklamo ang pamilya laban sa kanilang lolo noong September 2024, kung saan dito na rin biglang naglaho ang akusado

Nalaman ng pulisya na matagal na nagtago ang akusado sa Pangasinan.

October 2025 nang ilabas ng korte ang warrant laban sa akusado, at naaaresto siya noong March 7, 2026.

Itinanggi ng akusado ang panggahasa.

Ang pamangkin ng asawa raw niya ang nanggahasa sa mga biktima.

Hindi rin daw totoo na nagtago siya sa Pangasinan.

Aniya, pinalayas daw siya ng pamilya matapos niyang tumigil sa pamamasada bilang isang tricycle driver.

Sinampahan ng kasong 14 counts of qualified rape ang akusado na nakakulong ngayon sa Marikina city police custodial facility.