Isang lalaki na 23-anyos ang nag-amok at tinaga ang kanyang sariling ama at isa pang matanda na kanilang kapitbahay sa Barangay Luka, bayan ng Oslob, southern Cebu kahapon ng umaga.
Ang lalaki ang itinuro ng mga saksi na nanaga sa kanyang 70 taong gulang na ama at 75 taong na kapitbahay, na dahilan ng kanilang pagkamatay.
Ayon sa pulisya, nagtamo din ng mga sugat sa kanyang kamay at mga paa ang suspek matapos na barilin siya ng mga rumesponding mga pulis nang tinangka niyang atakehin ang mga ito.
Iginapos din ang mga paa ng suspek.
Ayon sa pulisya ng bayan ng Oslob, humingi ng tulong sa kanila ang kapatid na babae ng suspek para siya ay huliin.
Sinabi ng kapatid, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang kanilang ama bago ang pananaga.
Ayon pa sa kanya, nakita niya ang suspek na kumuha ng bolo o itak, kaya agad siyang humingi ng tulong sa mga pulis.
Nang bumalik siya, nakita niyang sugatan na ang kanyang ama dahil sa pananaga ng suspek at maging ang kanilang kapitbahay.
Ayon pa sa pulisya, hindi kasama sa drug watchlist ang suspek.
Napag-alaman ng pulisya na sa tuwing sinusumpong ng kanyang sakit sa pag-iisip ang lalaki ay may mga bumubulong umano sa kanya at inuutusan siya na gumawa ng isang bagay at may paniniwala umano siya na magkatay ng hayop bilang alay.