TUGUEGARAO CITY-Namatay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isang lalaki matapos salpukin ang kasalubong na van habang lulan ng kanyang motorsiklo sa bayan ng Camalanuigan, Cagayan.

Kinilala ang namatay na biktima na si Felipe Dumadag Jr., 29-anyos at residente ng brgy Catayauan, Lal-lo habang ang suspek ay si Alberto Reymundo Jr. 33-anyos ng Brgy Logac.

Ayon kay P/master sergeant Robin Alova ng PNP-Camalanuigan, magkasalubong na tinatahak ng dalawa ang kahabaan ng Brgy. Gen E Battala ng biglang sumalpok ang biktima sa van.

Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas.

Una rito, papunta sa bayan ng Camalanuigan ang biktima habang papauwi naman sa Brgy Logac ang suspek sakay ng kanyang van lulan ang dalawa nitong kasamahan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Alova na nagkakarerahan ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan na lulan ng kanila-kanilang motorsiklo ng hindi nito makontrol ang manibela na sanhi ng pagsalpok sa kasalubong na van.

Nasa mabuti namang kalagayan ang suspek na lulan ng van maging ang kanyang mga kasama.

Nabatid na nasa impluwensiya ng nakakalasing nainumin ang biktima ng mangyari ang aksidente.

Pansamantala namang pinalaya ang suspek matapos ang reglementary period of detention ngunit nakatakdang mag-usap ang suspek at pamilya ng biktima sa araw ng Lunes, Mayo 18, 2020.