
Patay ang isang lalaki na umano’y nagbebenta ng baril matapos makasagupa ang mga pulis sa isang buy-bust operation sa Cabuyao, Laguna.
Makikita sa kuha ng body-worn camera na nagsagawa ng operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Laguna sa Barangay Gulod pasado alas-4 ng hapon noong Martes.
Matapos marinig ang transaksyon sa pagitan ng undercover agent at ng suspek na nagbebenta umano ng .45 caliber na baril, agad lumapit sa target area ang mga awtoridad.
Subalit paglapit ng mga pulis sa lugar, bigla umanong nagkaroon ng putukan.
Ayon kay CIDG Laguna Deputy Chief Police Captain Elrey dela Cruz, nag-agawan umano ng baril ang undercover agent at ang suspek nang mapansin ng huli na peke ang perang ginamit sa operasyon.
Sa kuha naman ng CCTV, makikita ang pagbagsak ng suspek matapos itong barilin.
Agad siniguro ng mga awtoridad ang paligid ng lugar upang matiyak kung may mga kasabwat ang suspek.
Isinakay ang lalaki sa likod ng isang pickup truck at mabilis na dinala sa ospital para malapatan ng lunas, ngunit kalaunan ay binawian din ito ng buhay.
Ayon sa CIDG Laguna, isinagawa ang buy-bust operation matapos makatanggap ng impormasyon na nagbebenta umano ng mga baril ang suspek sa Laguna.
Dagdag pa ni Dela Cruz, may rekord umano ang suspek na naserbisyuhan ng warrant of arrest noong 2014 dahil sa kasong robbery with force upon things, na nagresulta rin noon sa isang armadong engkuwentro.










