TUGUEGARAO CITY – Naaresto matapos ang mahigit isang taong pagtatago ang isang lalaking wanted sa kasong rape matapos nitong subukang kumuha ng police clearance sa Luna Municipal Police Station sa Apayao.

Ayon kay PLT Harvey Bao Isang, tagapagsalita ng PNP-Luna, nagtungo sa kanilang himpilan ang 24-anyos na akusado na residente sa lalawigan ng Rizal para kumuha ng police clearance, ngunit habang pino-proseso ang kanyang application ay doon napag-alaman na nagtatago pala ito sa batas.

Ang warrant of arrest nito ay inilabas ng korte sa lalawigan ng Rizal noong January 2021 dahil sa panggagahasa sa hindi na pinangalanang biktima na kanyang nakilala sa bayan ng San Mateo na nangyari noong 2019.

Aniya hindi alam ng akusado na centralized ang pangalan ng mga indibiduwal na may kaso sa pamamagitan ng kanilang database na kung tawagin ay e-warrant.

Sa ngayon ay nasa kustodiya pa rin ng Luna police ang akusado habang inabisuhan na ang San Mateo police sa kanyang pagkahuli.

-- ADVERTISEMENT --