
Bagamat humina na ang Bagyong Francisco, patuloy pa rin ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Santa Ana na nasa ilalim ng tropical cyclone wind signal number 1, sakaling lumala ang panahon.
Ayon kay Kristelyn Balagso ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nakataas pa rin ang estado ng kanilang Emergency Operations Center at naka-standby ang Emergency Response Team.
Dagdag pa niya, bagamat partly cloudy ang kalangitan at mahina lamang ang pag-ulan, nananatili pa ring maalon ang karagatan.
Mahigpit pa ring ipinatutupad ang no-sail policy para sa kaligtasan ng mga mangingisda.
Mayroon ding nakahandang food packs ang pamahalaan para sa mga posibleng ililikas.
Pinaalalahanan ni Balagso ang publiko na huwag maging kampante, makinig sa mga lehitimong impormasyon mula sa kinauukulan, at iwasan ang fake news.










