
Hinuli ang isang lolo na 65-anyos matapos siyang ireklamo ng panghahalay sa isang 17-anyos niyang kapitbahay na may problema sa kalusugan sa Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakaupo noon ang biktima sa isang motorsiklo nang kinawayan umano siya ng suspek.
Nang hindi umano pinansin, lumapit ang suspek sa biktima at hinawakan ang kanyang kamay, at dinala sa isang lugar na madilim, kung saan dito umano ginawa ng lolo ang panghahalay.
Nagsumbong ang biktima sa kanyang ama kaya naisampa ang kasong panggagahasa, at agad na dinakip ang lolo.
Idinagdag pa ng pulisya, una nang hinuli ang lolo noong 2023 dahil din sa panghahalay umano sa biktima ngunit siya ay nakapagpiyansa.
Ayon sa pulisya, ang unang insidente ay nangyari noong November 1, 2023 nang bumibili ang bata sa isang tindahan.
Mariing itinanggi naman ng lolo ang akusasyon laban sa kanya.
Sinabi niya na wala siyang ginawa sa dalagita.