Sinampahan ng kasong Frustrated Homicide ang isang lolo matapos nitong saksakin ang kanyang apo dahil sa kalasingan sa Brgy. Centro 8, Claveria, Cagayan.

Ang biktima ay isang 30 anyos na lalaki habang ang suspek na mismong lolo nito ay kinilalang si Alyas Frank, 67 anyos kapwa residente sa lugar.

Sa panayam kay Police Senior Master Sgt. Richie Roger Hernandez, imbestigador ng Claveria PNP, lasing ang lolo ng puntahan nito ang grupo ng biktima na kasalukuyang nagkakasiyahan gamit ang videoke sa kanilang bahay.

Napansin aniya ng biktima na niyuyug-yog ng lolo ang gate ng kanilang bahay kaya’t siya ay lumapit at nagkaroon sila ng pag-uusap at dito sinabihan ng suspek ang biktima na naiingayan siya sa kanilang kantahan.

Batay sa imbestigasyon ay sinabi ni Hernandez na pasado alas nuebe ng gabi ng mangyari ang insidente kung saan hindi rin naman malakas ang tunog ng videoke na gamit ng grupo ng biktima dahil ito ay speaker na konektado lamang sa cellphone.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman ay hindi rin aniya inakala ng biktima na sasaksakin siya ng lolo sa kanyang tiyan gamit ang pinatulis na kutsara kaya’t siya ay agad na isinugod sa ospital.