Iniulat ng PAGASA nitong Linggo ng hapon na ang low pressure area (LPA) na kasalukuyang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay may mababa pa ring posibilidad na maging isang tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
Bandang alas-2 ng hapon, ang naturang LPA ay namataan sa layong 1,240 kilometro silangan ng southeastern Luzon.
Sa ngayon, ang southwest monsoon o habagat ang pangunahing nakaaapekto sa lagay ng panahon sa bansa.
Ayon sa 4:00 p.m. weather forecast ng PAGASA, magdadala ito ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Mindanao.
Ang mga pag-ulang ito ay maaaring maging katamtaman hanggang sa malalakas, kaya may posibilidad ng mga biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nabanggit na lugar.
Samantala, ang nalalabing bahagi ng Luzon ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng pulu-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog bunsod ng localized thunderstorms.
Ayon sa mga meteorolohista, ang mga matitinding thunderstorm na ito ay maaari ring magdulot ng pagbaha at landslide.
Inaasahan namang magiging mahina hanggang katamtaman ang ihip ng hangin sa buong bansa, habang banayad hanggang katamtaman ang magiging kondisyon ng karagatan. Sa Metro Manila, ang araw ay sisikat ng alas-5:30 ng umaga sa Lunes.