Inaresto kamakailan ang isang respetadong madre sa Italy na si Sister Anna Donelli dahil sa hinala na nakipagsabwatan sa makapangyarihan ng clan ng ‘Ndragheta mafia family.
Nagulat ang buong Italy nang mabalitaan ang pagkakaaresto Kay Donelli, 57 years old, na kamakailan lang ay recipient ng Golden Panettone, taunang Milanese civic award, para sa kanyang volunteer work sa mga bilangguan at sa mga magulong lugar sa lungsod ng Milan, Rome at Brescia.
Nitong Huwebes, inaresto si Sister Anna kasama ang 24 iba pa kasunod ng imbestigasyon sa mga aktibidad ng ‘Ndragheta sa Brescia.
Naniniwala kasi ang mga awtoridad na nagtatrabaho ang madre sa mafia crime family sa loob ng mahabang panahon.
Bilang bahagi ng kanyang trabaho sa maraming bilangguan kung saan nakakulong ang mga miyembro ng mafia, pinaghihinalaan ang madre na gumagawa ng paraan para magkaroon ng komunikasyon sa pagitan ng mga bilanggo at mga lider ng clan at nireresolba ang mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga inmates.
Batay sa wiretap recording na iprinisinta ng Italian police sa korte, maririnig na sinabi ni Stefano Tripodi, lider ng Tripodi clan na nakabase sa Brescia na kasama nila si Sister Anna.
Ang Tripodi crime family, na may mga junkyard at scrap metal business, ay matagal nang may kaugnayan sa ‘Ndragheta, ang pinakamakapangyarihan na mafia organization sa Italy, at isa sa most sophisticated sa mundo.
Ayon sa Italian investigators, ginagamit ni Sister Anna ang kanyang volunteer work sa mga bilangguan para magkaroon ng komunikasyon sa pagitan ni Stefano Tripodi at sa kanyang mga kasamang nasa kulungan.
Sa usapan na nai-record ng pulisya sa pamamagitan ng wiretap, inutusan ni Tripodi si Sister Anna na pumunta sa Brescia Prison, hanapin si Candiloro Francesco, isang inmate na nakulong dahil sa organized crimes, at manatili doon at magpakilala na kaibigan ni Stefano kung wala nang kasama ang nasabing bilanggo.
Hindi ipinatupad ang ban kay Sister Anna sa kanyang pagbisita sa mga nakakulong na mga miyembro ng mafia dahil na rin sa kanyang magandang reputasyon sa komunidad kaya hindi siya pinaghinalaan.
Inakusahan ang madre ng pakikigtulungan sa mga mapanganib na mga kriminal at siya ngayon ay naka-house arrest.