Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o child abuse, article 151 o Disobedience of a Person in Authority at RA 9262 o VAWC ang isang magsasaka matapos ang tangkang pananakit sa isang mag-ina sa bayan ng Claveria.

Kinilala ni PSSG PSSG Francis Tamayo, imbestigador ng PNP Claveria ang biktima na sina Alyas Petra, 41 anyos at kanyang anak na si Alyas Kurt, 17 anyos at grade 12 student habang ang suspect ay si Alyas Allan Paul, 35 anyos na kapwa residente ng Barangay Mabnang.

Lumalabas sa imbestigasyon na pumunta umano ang suspect bitbit ang kanyang itak na may habang 12 inches sa bahay ng biktima ng gabi at nagpumilit pumasok ngunit hindi ito pinagbuksan kung kaya’t sinira nito ang pintuan ng bahay.

Agad naman tumakbo ang mag-ina papunta sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at sinubukan umano silang habulin ni Paul at dahil sa kanilang takot ay nagdesisyon ang dalawa na tumalon sa terrace ng kanilang na may taas na mahigit 12 feet.

Agad dinala sa pagamutan ang dalawa kung saan stable na ang kalagayan ng bata habang ang kanyang ina ay nagtamo ng fracture sa bahagi ng kanyang katawan.

-- ADVERTISEMENT --

Napag-alaman na matagal nang hiwalay sina Petra at Paul dahil sa madalas na hindi pagkakaunawaan nang biglang na lamang itong dumating sa bahay ng biktima.

Isinarado ng suspect ang lahat ng lagusan ng bahay kung saan dito siya hinuli ng mga pulis.