
Pormal nang pinagana ang bagong itinayong Provincial Command Center ng Cagayan na magsisilbing sentro ng monitoring, koordinasyon, at agarang pagtugon sa mga sakuna, emergency, at iba’t ibang banta sa komunidad sa buong lalawigan.
Itinayo ang pasilidad bilang tugon sa direktiba ni dating Governor Manuel Mamba, na naglalayong higit pang mapalakas ang kaligtasan at kapakanan ng bawat mamamayang Cagayano.
Gumagamit ang command center ng makabagong teknolohiya kabilang ang mahigit 100 CCTV cameras na nakapuwesto sa iba’t ibang bahagi ng probinsya, mula sa mga pangunahing lansangan hanggang sa mga pampublikong pasilidad, upang mas mapahusay ang monitoring at seguridad.
Mayroon din itong tatlong weather stations na gumagana 24/7, partikular sa mga baybaying lugar, upang maagang matukoy ang mga posibleng panganib gaya ng bagyo, pagbaha, at pagtaas ng tubig-dagat.
Bahagi rin ng operasyon ng command center ang mahigpit na koordinasyon sa lahat ng 29 na bayan ng Cagayan upang matiyak ang mabilis at organisadong pagtugon sa anumang uri ng insidente o kalamidad.










