Inihayag ni House Deputy Speaker Janette Garin na posibleng higit sa kalahati ng mga miyembro ng Kamara ang bumoto pabor sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Ang bilang na ito ay sapat na upang maakyat ang kaso sa Senado dahil lalampas ito sa kinakailangang 106 na boto ng kabuuang bilang ng mga mambabatas.

Ayon kay Garin, sa partido nilang Lakas-CMD pa lang ay marami na ang pabor sa impeachment, bagaman magiging “conscience vote” ito dahil isinasaalang-alang din ng ilang mambabatas ang kanilang mga balwarte, lalo na sa Mindanao.

Samantala, mariing itinanggi ng mga mambabatas ang akusasyon ni Davao City Rep. Paolo Duterte na ginagamit ang budget at SALN upang pilitin silang bumoto laban sa kanyang kapatid.