Maaaring maglabas ng Executive Order si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagsuspinde o pagbabawas ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa Abril 12 o 13, ayon sa isang opisyal ng Department of Finance (DOF).

Ayon kay DOF Undersecretary Karlo Adriano, may 15 araw na palugit mula sa publikasyon at effectivity ng batas bago maaaring maglabas ng executive order ang Pangulo.

Ibinigay niya ang pahayag sa pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy committee bilang tugon sa tanong ni Senator Bam Aquino.

Ayon kay Adriano ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), na may tungkuling magrekomenda sa Pangulo kung dapat bang suspindihin o bawasan ang excise tax alinsunod sa Republic Act 12316 na nilagdaan noong Marso 25.

Gayunman, may dalawang kondisyon bago maisagawa ang suspensyon o pagbabawas ng buwis: kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil batay sa Mean of Platts Singapore ay umabot o lumagpas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan, at kung may rekomendasyon mula sa DBCC.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ni Adriano, nakatakdang magpulong ang DBCC sa Biyernes at inaasahang makakapaglabas ng rekomendasyon sa susunod na linggo.

Sa sandaling maging epektibo ang batas bandang Abril 13, maaari nang maglabas ng kaukulang executive order ang Pangulo kung kinakailangan.