Inanunsyo ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga programang tulong para sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) dahil sa mataas na presyo ng langis.

Kabilang dito ang P10 kada litro na fuel subsidy na may limitasyon na 150 litro bawat linggo. Uunahin itong ipatupad sa Metro Manila sa loob ng tatlong buwan bago palawakin sa iba pang lugar. Isasagawa ito sa mga aprubadong gasolinahan na mino-monitor ng Department of Energy.

Inilunsad din ang service contracting program kung saan babayaran ng gobyerno ang mga driver at operator ng P40 hanggang P100 kada kilometro. Ipatutupad ito simula Abril 15 sa pangunguna ng Department of Transportation at inaasahang makikinabang ang 50,000 PUV, 1,000 operator, at humigit-kumulang 15 milyong pasahero.

Saklaw ng programa ang mga biyahe sa off-peak hours upang matiyak na may masasakyan ang mga commuter kahit hindi rush hour. May kasama ring hindi bababa sa 20% diskuwento sa pamasahe para sa mga pasahero.

Layunin ng mga hakbang na mapagaan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa kita ng mga tsuper at sa gastusin ng mga commuter.

-- ADVERTISEMENT --