
Dinagsa ng mga motorista ang mga gasolinahan sa Tuguegarao City kagabi, ilang oras bago ipatupad ang panibagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo ngayong Martes.
Sa naging pag-iikot ng Bombo Radyo News Team, kapansin-pansin ang maraming motorista na nakapila at nagmadaling magpakarga ng gasolina upang makaiwas sa dagdag gastos sa kanilang biyahe sa mga susunod na araw.
Kabilang dito ang mga pribadong sasakyan, motorsiklo, tricycle, at pampasaherong jeepney na naghihintay makapag-pakarga bago pa man ipatupad ang dagdag-presyo sa diesel at gasolina.
Ayon kay Johnny Lopez, isang tricycle driver, ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay isang malaking hamon sa kanilang araw-araw na operasyon.
Aniya, malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo sa kanilang kita kaya mas pinipili nilang magpakarga bago ang inaasahang taas presyo.
Ayon sa mga gasolinahan, karaniwan na ang ganitong sitwasyon tuwing may price hike, at inaasahan na bababa ang dami ng mga sasakyan sa gasolinahan pagkatapos ng bagong presyo.
Ngayong Martes ay simula na ng isang linggong araw-araw na malakihang dagdag-singil sa mga produktong petrolyo dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Middle East.
Hanggang P13 sa gasolina, higit P24 sa diesel at sobra sa P38 sa kerosene.










