Isa sa mga tinitignan posibleng anggulo ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang may kaugnayan sa mga nawawalang baril kaugnay ng pagkamatay ng isang opisyal ng pulisya na natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang quarters sa Davao City, noong Martes, Pebrero 10.

Sinabi ni PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, malalimang pagsisiyasat ang kanilang ginagawa hinggil sa pagkamatay ni Lt. Col. Deosar Almaza, acting chief ng Regional Logistics and Research Development Division.

Ayon kay Tuaño, nakatuon ang mga imbestigador sa mga usaping may kinalaman sa trabaho ng opisyal na maaaring naging sanhi ng kanyang pag-aalala bago ang insidente.

Gayunman, sinabi niya na hindi sila maaaring magbigay ng haka-haka kaugnay sa totoong nangyari.

Natuklasan ang bangkay ng opisyal matapos mapansin ng kanyang mga kasamahan na hindi siya tumutugon sa kanilang Viber group chat na ginagamit nila sa pagko-coordinate ng preparasyon para sa pagbisita ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

-- ADVERTISEMENT --

Nang hindi ito sumagot, may ipinadalang mga tauhan upang tingnan ang kanyang kalagayan sa kanyang tinutuluyan, kung saan siya natagpuang patay bandang 6:45 ng umaga.

Iniutos ng PNP chief ang masusi at malinaw na imbestigasyon sa insidente.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang ang pagsusuri ng PNP Forensic Group sa mga ebidensiya tulad ng personal na gamit ng opisyal.

Sa ngayon, sinabi ng pulisya na hindi pa matukoy kung may naganap na foul play.

Isang baril na pinaniniwalaang 9mm pistol ang narekober sa lugar ng insidente, ngunit inaalam pa ng mga imbestigador kung ito ay pag-aari ng nasawing opisyal.