
Nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal ang isang police colonel at 11 iba pa kaugnay ng viral na hazing sa mga bagong deploy na pulis sa Lamitan, Basilan.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Martes, isinampa na ang mga kaso kaugnay ng paglabag sa Anti-Hazing Law laban sa commander ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 14-B at 11 sa kanyang mga tauhan.
Ito ay kaugnay ng insidente ng hazing na naganap noong Enero 5 sa “welcome rites” para sa bagong batch ng mga pulis na ipinadala sa Lamitan.
Makikita sa viral na video ang mga bagong deploy na pulis na nakatanggap ng hampas sa mukha, suntok, at pitik sa kanilang mga kasamahang pulis.
Tinukoy ng mga sources ang opisyal na si Col. Joel Estaris, force commander ng RMFB 14-B, bilang isa sa mahigit 70 pulis na sinibak sa kanilang puwesto dahil sa hazing.
Ayon sa mga testigo at biktima, ang force commander ay pisikal na naroroon habang isinasagawa ang hazing sa mahigit 100 pulis ngunit hindi gumawa ng anumang hakbang upang itigil ang ilegal na gawain.
Dahil sa patuloy na imbestigasyon, 10 iba pang miyembro ng RMFB 14-B ang direktang naakusahan sa hazing.
Sila ay kasalukuyang nasa restrictive custody kasama ng 12 pulis na isinampa ng kaso.
Batay sa imbestigasyon, ginamit sa pagpapahamak sa mga biktima ang yantok at baseball bats.
Ang mga biktima ay binigyan ng isang linggong pahinga para makabawi, at wala sa kanila ang nagtamo ng malubhang pinsala.










