Iginiit ng Malacañang na hindi inatake ang Senado kaugnay ng insidente ng pamamaril na naganap noong nakaraang linggo sa gitna ng tangkang pagsisilbi ng warrant laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, walang batayan ang pahayag na nagkaroon ng “Senate siege” at hindi umano nasa ilalim ng pag-atake ang Senado.

Dagdag pa ni Castro, ito rin ang posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang umiwas naman siyang magbigay ng komento kung planado o “staged” ang naturang insidente.

Nanindigan din ang Malacañang na walang pagkukulang sa panig ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), at sinabing hinarang lamang ang mga ito habang ipinatutupad ang operasyon.

Matatandaang nangyari ang insidente kasabay ng paglabas ng arrest warrant ng International Criminal Court laban kay Dela Rosa kaugnay ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

-- ADVERTISEMENT --