Sinimulan ni Senator-judge Raffy Tulfo ang interjection o direktang pagtatanong sa testigo ng prosekusyon na si dating COA state auditor Roderick Wamil sa ika-13 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Miyerkules, Agosto 5, 2026.

Bago sumalang, idinulog ng senator-judge ang point of order hinggil sa umano’y conflict of interest. Kinuwestiyon niya ang pagtayo bilang lead defense counsel ni Atty. Michael Poa, na una nang nabunyag sa pagdinig kahapon na kabilang sa nakipagkita sa mga opisyal ng COA.

Gayunman, nilinaw ni Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na si VP Sara ang respondent sa kaso at hindi si Poa, kaya walang conflict of interest. “Ok, I rest my case, Presiding officer,” sagot ni Tulfo bago nagpatuloy sa pagtatanong sa testigo.

Sa kaniyang pagtatanong, inusisa ng senator-judge kung may iba pang ahensiyang nagsumite ng mga kakaibang pangalan o aliases gaya ng “Chichiria,” kaugnay ng paggamit ng confidential funds. Tugon ni Wamil, hindi matukoy sa mga dokumentong isinumite sa COA kung alyas ang mga pangalang ginamit dahil hindi naman nakalagay kung alyas ang mga ito o hindi.

Nang tanungin naman kung mapapahamak ang seguridad ng mga impormante kapag hiningan ng resibo, pinanindigan ni Wamil ang kaniyang naunang testimoniya na ang kanilang hinihingi ay official receipt at sales invoice bilang patunay ng pagbili. Sinoplak din ng testigo ang argumento ng depensa na makokompromiso ang national security batay sa isang joint circular, at sinabing “repelled” o napawalang-bisa na ang naturang kautusan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa huli, tinanong ni Tulfo kung banta ba sa pambansang seguridad ang pagbili ng “chichiria, shampoo, at suka” sa sari-sari store gamit ang pondo, na tahasang sinagot ni Wamil ng, “Hindi po.”