Iginawad ng Civil Service Commission (CSC) ang “Parangal sa Lingkod Bayani” kay John Leo Lim Fuertes na nag-iwan ng isang legasiya at huwarang Lingkod Bayan sa ipinamalas na dedikasyon at serbisyo sa pagresponde at pagliligtas ng buhay ng mga sangkot sa nangyaring vehicular accident sa Sanchez Mira noong gabi ng January 1, 2023.

Nasawi si Fuertes bunsod ng isang vehicular accident matapos maghatid ng mga pasyente lulan ng isang emergency vehicle sa bahagi ng Sitio Pukel, Barangay Callungan.

Isang nurse attendant II si Fuertes at pinuno ng Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) Sanchez Mira station.

Ipinasakamay ng CSC Region 2 sa pangunguna ni Chief Human Resource Specialist Jovy Miguel ang nasabing parangal sa kapatid ni Fuertes na si Angel.

Ipinagkaloob din ng komisyon ang Pamanang Lingkod Bayani award na may kalakip na one-time financial assistance na P100K at scholarship sa anumang PASUC-member state university and colleges sa pamilya nito.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng Implementing guidelines ng Pamanang Lingkod Bayani, mabibigyan ng pagkilala ang mga civilian public servant na nagpamalas ng kabayanihan.

Kabilang dito ang mga nasawi habang isinasagawa ang kanilang responsibilidad o tungkulin bilang public servants.

Laking pasasalamat naman ng pamilya ni Fuertes sa natanggap na parangal.