Nagdeklara si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng kabuuang net worth na P461.1 milyon sa kanyang pinakahuling Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na inihain kasama ang kanyang asawa na si Ma. Josefina Remulla noong Abril 30, 2026.

Batay sa kanyang SALN, umabot sa P112.8 milyon ang halaga ng kanyang mga real property habang nasa P348.5 milyon naman ang kabuuang halaga ng kanyang mga personal na ari-arian.

Kabilang sa mga pangunahing real property na idineklara ni Remulla ang isang residential house and lot sa Las Piñas City na nagkakahalaga ng P35 milyon, isang farm lot sa Indang, Cavite na may halagang P20 milyon, at isang residential house and lot sa Makati City na nagkakahalaga ng P9 milyon.

Mayroon din siyang iba pang residential properties sa Parañaque, Las Piñas, Baguio, Tagaytay at Cavite, gayundin ng ilang farm lots sa Indang, Cavite at isang commercial land and building sa Guadalupe, Makati.

Samantala, malaking bahagi ng kanyang personal properties ay binubuo ng P280.6 milyong cash in bank na nagmula umano sa bentahan ng mga stocks, real at personal properties na minana mula sa yumaong si Juanito Remulla, pati na rin sa deed of donation mula sa kanyang inang si Ditas Remulla.

-- ADVERTISEMENT --

Mayroon din siyang P44 milyong halaga ng iba’t ibang sasakyan, P16.56 milyong cash in bank mula rin sa mga naibentang ari-arian at stocks, at P6.5 milyong halaga ng mga muwebles, alahas at iba pang personal na gamit.

Nagdeklara rin ang Ombudsman ng mga investment sa South Livestock at South 7 Realty, habang may maliit na pananagutan na nagkakahalaga ng P300,000, kabilang ang personal loan at hindi pa nababayarang subscription sa LA Poch Villa Realty Inc.

Si Remulla ay kapatid ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla. Tatlo sa kanyang mga anak ang kasalukuyang nasa politika: sina Cavite Rep. Crispin Diego Remulla, Cavite Gov. Gabriel Remulla at Naic Vice Mayor Jacinta Remulla.

Itinalaga si Remulla bilang Ombudsman noong Oktubre 2025 matapos magsilbi bilang kalihim ng Department of Justice nang mahigit tatlong taon. Ang Ombudsman ay may pitong taong termino sa puwesto.