
Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P12.9 milyong halaga ng marijuana at P1.3 milyong halaga ng ilegal na troso habang 169 na indibidwal ang naaresto sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations o SACLEO sa buong Cagayan Valley mula Marso 19 hanggang 25.
Ayon kay Police Brigadier General Antonio Marallag Jr., regional director ng pulisya sa Cagayan Valley, nagsagawa ang mga awtoridad ng 11 operasyon kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto ng 12 hinihinalang tulak.
Nakumpiska sa mga operasyong ito ang 15.6 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,368 at 25,147 gramo ng marijuana na may tinatayang halaga na P12.97 milyon.
Sa kampanya laban sa ilegal na pagtotroso, nagsagawa ang pulisya ng 10 operasyon na nagbunga ng pagkakaaresto ng 18 katao. Nasamsam din ang 8,489.3 board feet ng ilegal na troso at flitches na nagkakahalaga ng P1.34 milyon.
Samantala, 87 katao ang naaresto sa mga operasyong nakatuon sa mga wanted na indibidwal, kabilang ang apat na most wanted at 83 iba pa sa magkakahiwalay na operasyon sa rehiyon.
Sa kampanya laban sa ilegal na sugal, 45 katao ang naaresto sa 10 operasyon.
Nagsagawa rin ng operasyon laban sa ilegal na baril na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na indibidwal. Narekober sa mga operasyong ito ang 18 loose firearms at anim na pampasabog na nasamsam o kusang isinuko ng kanilang mga may-ari.









