
Tinatayang aabot sa P17 milyon ang halaga ng istruktura sa nasunog na bahagi ng airconditioned poultry farm sa Brgy. Nangalisan, Solana, Cagayan na pinaghihinalaang dulot ng faulty electrical wiring.
Ayon kay FSI Nestor Parallag, hepe ng Bureau of Fire Protection (BFP) Solana, natanggap nila ang alarma bandang ika-6:47 ng umaga at agad na dumating ang mga bumbero makalipas ang tatlong minuto.
Dahil sa double walling ng istruktura, agad itong itinaas sa ikalawang alarma at sa tulong ng mga kasamahan mula sa BFP station sa Tuguegarao, Enrile, Solana at Willy’s Trading fire truck, napigilan ang pagkalat ng apoy makalipas ang mahigit isang oras at tuluyan naapula bandang 8:30 ng umaga.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa hilagang bahagi ng gusali partikular sa lugar na may insulator sa bubong.
Wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa sunog at wala ring laman na manok ang poultry farm sa oras ng insidente, na naging dahilan upang maiwasan ang malaking pagkalugi sa livestock.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang eksaktong pinagmulan at sanhi ng sunog.










