
Inihayag ng isa sa 18 tinaguriang “Maleta Boys” na inalok umano sila ng P20 milyon hanggang P25 milyon kapalit ng pagbawi sa kanilang mga salaysay na nagdadawit sa ilang opisyal ng pamahalaan sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Ayon kay George Villanon Jr., ginawa niya ang pahayag matapos lumagda sa recantation affidavits ang apat niyang kasamahan na nagsabing walang katotohanan ang kanilang orihinal na joint affidavit.
Hindi naman pinangalanan ni Villanon kung sino ang umano’y nag-alok ng pera, at itinanggi rin niyang nais ng iba pa nilang kasamahan na bawiin ang kanilang mga salaysay.
Samantala, itinanggi ni Atty. Levito Baligod ang alegasyon ng apat na “Maleta Boys” na pinagkakakitaan niya ang kaniyang mga kliyente kapalit ng paggawa ng joint affidavit.
Matatandaang unang ipinakilala ni Baligod noong Pebrero ang 18 na indibidwal na sinabing dating Marines at umano’y nagsilbing bagmen ni dating Rep. Zaldy Co sa pagdadala ng kickbacks mula sa mga maanomalyang flood control projects.










