Screenshot

Iminungkahi ng economic managers ng administrasyong Marcos ang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.

Ayon sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), mas mataas ito ng anim na porsyento kumpara sa P6.793-trilyong badyet ngayong 2026 at katumbas ng 21.7 porsyento ng gross domestic product (GDP).

Sinabi ng DBCC na layunin ng panukalang badyet na ituon ang pondo sa mga programang may malaking epekto sa publiko sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga magkakaparehong programa, pagpapalakas ng transparency, at pagtitipid sa gastusin ng pamahalaan.

Kabilang din sa mga prayoridad ang pagpapatuloy ng Government Optimization Program, pagpapahusay sa performance incentive system, at pagpapatupad ng mas episyenteng paggamit ng maintenance and other operating expenses (MOOE).

Inaasahan din ng economic managers na aabot sa P5.21 trilyon ang koleksyon ng pamahalaan sa 2027 mula sa P4.81 trilyon ngayong 2026, sa tulong ng pagpapatupad ng mga bagong batas sa buwis, digitalization, at mas mahigpit na tax enforcement.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ibinaba ng DBCC ang growth outlook ng ekonomiya ngayong 2026 sa 3.5 hanggang 4.5 porsyento dahil sa mga pandaigdigang hamon, mataas na inflation, tensyon sa Middle East, at banta ng El Niño.

Gayunman, inaasahang babalik sa 5 hanggang 6 na porsyentong paglago ang ekonomiya mula 2027 hanggang 2030.

Inaasahan ding mananatiling mataas ang inflation sa 6 hanggang 7 porsyento ngayong taon bago bumaba sa 4 hanggang 5 porsyento sa 2027 at unti-unting bumalik sa target na 2 hanggang 4 na porsyento pagsapit ng 2028 hanggang 2030.