Nakatakdang ipatupad ang class shifting sa Babuyan Claro Integrated School sa pagbubukas ng klase ngayong Lunes, Hunyo 8, 2026, habang hindi pa naaayos ang mga silid-aralan ng Junior at Senior High School na nasira ng Bagyong Nando noong nakaraang taon.

Ayon kay School Head Bernie Nunez, inirekomenda niya sa Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng shifting schedule upang matiyak na magtutuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga mag-aaral sa kabila ng kakulangan sa mga silid-aralan.

Sa ilalim ng kanyang panukala, papasok ang mga mag-aaral sa elementarya mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Samantala, ang mga mag-aaral ng Junior at Senior High School ay magkakaroon ng klase mula alas-12:30 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon.

Ipinaliwanag ni Nunez na sa tulong ng Local Government Unit (LGU) ng Calayan, Cagayan ay naisaayos na ang mga silid-aralan ng elementarya na winasak ng bagyo. Ang mga ito ang pansamantalang gagamitin ng mga mag-aaral sa sekondarya habang hindi pa isinasailalim sa rehabilitasyon kanilang mga gusali.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, hindi pa rin naaayos ang mga bubong ng mga silid-aralan ng Junior at Senior High School na tinangay ng malakas na hangin noong pananalasa ng bagyo.

Dahil dito, muling nananawagan ang mga magulang at guro ng Babuyan Claro Integrated School sa pambansang pamahalaan na maglaan ng tulong para sa agarang pagkukumpuni ng mga nasirang pasilidad upang magkaroon ng ligtas at maayos na mga silid-aralan ang mga mag-aaral sa isla.