
Itinakda sa Marso 18 ang susunod na pagdinig ng committee on justice ng Kamara para pag-usapan ang preliminary matters kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Batangas Rep. Gerville Luistro na ang pagpupulong naman kaugnay sa sufficiency of grounds na nabanggit sa dalawang nalalabing impeachment complaint laban kay Duterte ay itinakda ng Abril 8.
Naabisuhan na ang mga miyembro sa nakatakdang pagdinig sa Marso 18.
Bahagi ng diskusyon aniya ay ang mosyon ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno kaugnay sa pagpapa-subpoena ng mga dokumento na susi sa impeachment hearing, kasama ang hiling ng House panel sa kustodiya ni Ramil Madriaga.
Isa pa umanong isyu na tatalakayin ay ang pangamba ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon tungkol sa dalawang abogado ni Duterte na sina dating Education Assistant Secretary for Procurement Reynold Munsayac at dating Department of Education (DepEd) spokesperson Michael Poa na posibleng potential witness sa impeachment proceedings.
Sa kaparehong briefing, sinabi ni Luistro na nauunawaan niya ang pangamba ni Ridon.










