Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng ‘Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang’ sa Malacañang kaninang umaga.

Layunin nito na maiangat ang suporta ng administrasyon sa lahat ng local government units (LGUs) at matiyak na agad na maramdaman ng bawat komunidad ang mga pag-unlad ng bansa.

Ang programa ay para mabawasan ang “opportunity gap” at matiyak na ang national economic stability ay mararamdaman ng bawat pamilya.

Sinabi ni Pangulong Marcos na sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga LGUs, matitiyak na ang suporta sa mga mahahalagang pangangailangan ng mga pamilya tulad ng pagkain, partikular ng bigas, kalusugan, edukasyon, at livelihood ay makakarating ng mas mabilis at transparent.

Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), inilaan ang pinakamalaking Local Government Support Fund (LGSF) sa kasaysayan ng bansa sa halagang P57.872 billion, mas mataas mula sa mahigit P34 billion.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang dito ang Financial Assistance to LGUs na nagkakahalaga ng P37.49 billion, Growth Equity Fund na P11.3 billion, Support to the Barangay Development Program (SBDP/NTF-ELCAC) na P8.09 billion, at ang Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting (SAFPB) na 1 billion.

Sa nasabing programa, ibinigay ni Marcos ang FALGU Rice Approval Letter to League Officers mula sa Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), League of Provinces of the Philippines (LPP), League of Cities of the Philippines (LCP), at League of Municipalities of the Philippines (LMP).

Sa nasabing release, 50 percent ay ipinanukala para sa nationwide rice distribution program para sa mga tinukoy na mga pamilya na makakatanggap ng 10 kilograms ng bigas sa loob ng anim na buwan bawat taon.