Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kinansela na ang pasaporte ni dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co na nasasangkot sa iskandalo ng katiwalian sa flood control projects.

Si Co, na pumunta sa ibang bansa upang magpagamot, ay hindi pa bumabalik ng Pilipinas sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa mga insertion sa budget at mga proyekto sa flood control.

Iginigiit niyang siya’y inosente sa mga paratang na ibinabato laban sa kanya.

Sinabi ng Pangulo na inatasan na niya ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa mga embahada ng Pilipinas para mahanap ang dating kongresista.

Noong Setyembre, sinabi ng House of Representatives na lumipad patungong Estados Unidos si Co para sa medikal na pagpapagamot.

-- ADVERTISEMENT --

Nakita sa mga talaan ng US Customs and Border Protection na dumating si Co sa New York noong Agosto 26 at umalis noong Setyembre 13.

Nito ring buwan, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinaniniwalaang nasa Portugal si Co.

Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na pinaghihinalaang may hawak na Portuguese passport si Co na “acquired so many years ago.”

Bukod sa US at Portugal, nauna nang sinabi ni Remulla na kabilang din ang Europa, Singapore, Spain, at Japan sa mga pinuntahan ni Co.

Noong Nobyembre 21, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may inilabas nang warrant of arrest laban kay Co at 15 iba pang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga direktor ng Sunwest Corp. kaugnay ng kontrobersiya sa mga flood control projects.

Ito ay matapos magsampa ang Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga kasong katiwalian at malversation of public funds laban kina Co at iba pa noong Nobyembre 18 kaugnay ng umano’y maanomalyang P289-milyong proyektong flood control sa Naujan, Oriental Mindoro.