
Nakatakdang talakayin ng Senado sa isang caucus ngayong Lunes ang patuloy na pagliban sa sesyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, kailangang muling suriin ang mga alituntunin ng Senado upang matukoy ang nararapat na hakbang sa ganitong sitwasyon, lalo’t kasalukuyang walang umiiral na panuntunan para sa mahabang pagliban sa mga plenary session.
Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto na huling pumasok sa Senado si Dela Rosa noong Nobyembre 11, 2025, at wala pang katiyakan kung kailan ito magbabalik sa trabaho.
Ang hindi pagpapakita ni Dela Rosa ay iniuugnay sa banta ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity.
Matatandaang kabilang ang senador, kasama si Senador Bong Go, sa mga tinukoy na posibleng co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Dela Rosa sa kaniyang nakaraang pahayag, siya ay “waiting for a true seeking for justice.”
Bukod sa isyu ni Dela Rosa, tatalakayin din sa caucus ang magiging pakikipag-ugnayan ng Senado sa China sa gitna ng tumitinding tensyon sa teritoryo.
Samantala, nilinaw naman ni Lacson na wala siyang planong tumakbo sa 2028 elections at nilalayong tapusin na ang kaniyang karera sa serbisyo publiko pagsapit ng 2031.










