Nilagdaan na ni Senator Sherwin Gatchalian ang payroll checks ng mga empleyado ng Senado sa kabila ng nagpapatuloy na alitan sa liderato ng mataas na kapulungan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Gatchalian na inaprubahan na rin ang pagpapalabas ng suweldo at mga benepisyo ng mga kawani ng Senado upang matiyak na hindi maaapektuhan ang kanilang mga matatanggap.

Ayon pa sa senador, kinilala na siya ng mga financial institution bilang awtorisadong lumagda para sa mga transaksiyong pinansyal ng Senado.

Una nang tiniyak ni Gatchalian na hindi maaantala ang suweldo at benepisyo ng humigit-kumulang 2,000 empleyado ng Senado sa kabila ng umiiral na leadership row sa pagitan ng kanyang grupo at ng kampo ni Senator Alan Peter Cayetano.

Bukod sa payroll checks, sinabi rin ni Gatchalian na nilagdaan na niya ang automatic debit arrangement ng Senado sa Land Bank of the Philippines at ang mga dokumento kaugnay ng promosyon ng ilang empleyado.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na nahahati ang Senado dahil sa usapin ng liderato.

Nauna nang nagmungkahi si Cayetano ng power-sharing arrangement upang matiyak ang maayos na operasyon ng kapulungan, ngunit hindi ito tinanggap ni Gatchalian.

Sa kabila nito, iginiit ni Gatchalian na nagpapatuloy ang trabaho ng Senado at ang pagtupad nito sa mga obligasyon sa mga empleyado.