
Umaasa sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at German President Frank-Walter Steinmeier na magtatagal ang tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran kasunod ng napagkasunduang ceasefire ng dalawang bansa.
Ito ay matapos ang ulat na layunin ng kasunduan na wakasan ang tensyon at muling buksan ang mahalagang Strait of Hormuz, na isa sa pangunahing daluyan ng langis sa pandaigdigang kalakalan.
Ayon kay Steinmeier, mahalagang hakbang ang anumang pagsisikap para sa kapayapaan dahil malaki ang epekto ng sigalot sa presyo ng pagkain, pataba, at kabuhayan ng maraming bansa sa buong mundo.
Sa panig naman ni Pangulong Marcos, umaasa siya na ganap na maipatutupad ang kasunduan, kabilang ang pagtigil ng labanan at muling pagbubukas ng naturang rutang pandagat.
Giit ng Pangulo, ramdam ng Pilipinas at iba pang bansa ang epekto ng mga kaguluhan sa pandaigdigang ekonomiya, lalo na sa paggalaw ng presyo ng langis.
Naniniwala si Marcos na ang naturang kasunduan ay maaaring magbukas ng mas pangmatagalang kapayapaan at tuluyang pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng digmaan.










