Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang sistema ng enerhiya ng bansa upang matiyak ang maasahang supply ng kuryente at mas abot-kayang presyo.

Sinabi ito ng Pangulo sa turnover ng Caliraya-Botocan-Kalayaan Hydroelectric Power Plants (CBK HEPP) sa Kalayaan, Laguna kaninang umaga.

Ayon sa Pangulo, ang CBK facilities ay nag-iimbak ng tubig gamit ang sobrang kuryente tuwing off-peak hours, at inilalabas ito para makalikha ng kuryente kapag mataas ang demand.

Ang sistemang ito ay hindi lang basta gumagawa ng kuryente, kundi tumutulong din na balansehin ang supply at demand sa buong power system.

Dagdag pa ng Pangulo, ang modernisasyon ng CBK ay magbibigay ng benepisyo sa mga Pilipino — mas kaunting brownout, mas tuloy-tuloy na serbisyo sa ospital at paaralan, at walang nasasayang na oras at mas maraming oportunidad para sa mga manggagawa at negosyante.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din ng Pangulo na ang turnover ng CBK HEPP sa Thunder Consortium ay hakbang tungo sa mas matatag at mas mahusay na energy system.

Ang CBK HEPP ay isa sa pinakamalaking hydropower complex sa Luzon na may kapasidad na 797 megawatts.