Kinumpirma ng kampo ng depensa ni Vice President Sara Duterte na dumulog sila sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang hurisdiksyon ng House Committee on Justice at ipatigil ang mga pagdinig sa impeachment case ng bise presidente.

Sinabi ni Michael Poa, tagapagsalita ng defense team ni VP Duterte na naghain sila ng Petition for Certiorari and Prohibition sa Korte Suprema kaugnay ng nagpapatuloy na pagdinig sa House Committee on Justice.

Ayon sa kanya, layunin ng hakbang na ito na humingi ng linaw sa mga pangunahing usaping konstitusyonal, na sa kanilang pananaw ay nangangailangan ng agarang aksyon ng korte.

Noong Martes ng gabi, unang ibinunyag ni Bicol Saro Party-list Rep Terry Ridon, miyembro ng House Committee on Justice, ang hakbang ng kampo ni Duterte na ipatigil ang pagdinig, at tinawag itong isang malinaw na pagtatangkang iligaw ang Korte Suprema at ang publiko.

Sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas, ang impeachment ng House of Representatives ay mag-uudyok ng paglilitis sa Senado, kung saan ang hatol na may sala ay magreresulta sa habambuhay na pagbabawal sa pagtakbo sa anumang halal na posisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga bagong reklamo, na itinuring na sapat sa substansya sa botong 54-1 noong nakaraang buwan, ay nag-aakusa sa sa bise presidente ng graft at korapsyon habang nasa tungkulin, at paggawa ng banta sa buhay laban sa dating kaalyado na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Nagsimula ang pagdinig noong Marso 25 at magpapatuloy sa Abril 14.