
Magpapatupad ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng bagong patakaran sa pagbabayad para sa mga self-paying members simula ngayong araw, Abril 1.
Ayon sa advisory ng PhilHealth, kailangan na ngayon ng mga self-paying members na magsumite ng Statement of Premium Account (SPA) bago makapagbayad. Layunin nito na masiguro na ang kontribusyon ay maitala at makredito agad sa tamang account.
Ayon sa PhilHealth, nakakatulong ang digital system na ito para mabawasan ang pagkakamali sa pagproseso ng bayad at mapanatiling tama at up-to-date ang kontribusyon ng mga miyembro, na mahalaga sa pag-avail ng kanilang benepisyo.
Ang patakarang “No Statement of Premium Account, no Payment” ay ipatutupad sa mga self-earning individuals, professional practitioners, at mga overseas Filipinos.
Hinihikayat ng PhilHealth ang mga miyembro na simulang gamitin ang SPA Generator sa spagen.philhealth.gov.ph bago ang full implementation upang maging maayos ang paglipat sa bagong sistema. Layunin ng requirement na ito na mabawasan ang error sa posting, mapabilis ang pagkakarekord ng bayad, at mapabuti ang kabuuang serbisyo.










