Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na wala pang naitatalang banta para sa lahat ng ASEAN events sa 2026 na gaganapin sa Pilipinas.

Kasabay ng Philippine chairmanship sa ASEAN, ihahanda ng bansa ang 48th at 49th ASEAN Summits sa Mayo at Oktubre, ayon sa PNP.

Sa isang briefing sa Camp Crame, sinabi ni Maj. Gen. Ronnie Cariaga, PNP director for operations, na patuloy ang kanilang regular na inter-agency meetings kasama ang NICA at AFP upang suriin ang posibleng banta, ngunit sa ngayon ay wala pang nakikitang peligro.

Ayon sa kanya, ang lahat ng ASEAN events na ginanap sa Pilipinas hanggang ngayon ay maayos at walang aberya sa seguridad.

Inaasahan naman na ang mga summits sa taong ito ay gaganapin sa newly refurbished Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, matapos ang kamakailang ASEAN Foreign Ministers’ Retreat sa Cebu.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng PNP na patuloy ang kanilang pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok at maayos na daloy ng mga kaganapan.