Nanawagan ang House prosecution panel na sitahin ng Senate impeachment court si Vice President Sara Duterte dahil sa mga pahayag nito hinggil sa pagpapatakbo ng impeachment trial.

Ayon kay House prosecution spokesperson Representative Renee Co ng Kabataan party-list, ipinakita umano ng depensa ang kanilang estratehiya nang sabihin nitong pinapayagan ang misleading questions sa cross-examination.

Sinabi rin ni Co na si Duterte mismo ang bumabatikos sa proseso ng impeachment sa pagsasabing nilalabag o binabaluktot ang batas, lalo na kaugnay ng paggamit ng confidential at intelligence funds.

Samantala, iginiit ni House prosecutor Chel Diokno ng Akbayan party-list na saklaw ng sub judice rule ang mga pampublikong pahayag na maaaring makaapekto sa kaso.

Dagdag ni Diokno, dapat manatili ang magkabilang panig sa tamang court decorum at paggalang habang nagpapatuloy ang paglilitis.

-- ADVERTISEMENT --