Naghain ang Department of Justice ng maraming kasong kriminal laban sa isang pampublikong guro sa Tarlac City na inakusahan na nag-iingat at namamahagi ng child sexual abuse materials at ginawan ng kahalayan ang dalawang batang lalaki.

Sa 15 pahinang resolusyon na nilagdaan nina Deputy State Prosecutor Olivia Laroza-Torrevillas at Prosecution Attorney Criselda Teoxon-Yanga, may nakitang malakas na prima facie evidence laban kay Leoncio Benigno Thiem Tolentino.

Ang mga kaso laban sa nasabing guro ay online sexual exploitation of children at lascivious conduct sa ilalim ng Republic Act (RA) Nos. 11930 and 7610, respectively; RA No. 9775 in relation to RA No. 10175; at ang Revised Penal Code.

Nag-ugat ang kaso sa imbestigasyon na nagsimula noong June 2024 nang makatanggap ang Philippine National Police’s Women and Children Protection Center mula sa National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC), isang US-based organization na nagsasagawa ng monitoring sa online platforms para sa child sexual abuse materials (CSAMs).

Ayon sa report ng NCMEC, pinaghinalaan na gumagawa, nag-iingat, at namamahagi ng CSAMs sa pamamagitan ng Google Drive ang isang indibidual gamit ang email benleigh24@gmail.com.

-- ADVERTISEMENT --

Natukoy ng mga awtoridad ang account holder na si Tolentino, na kilala din na “Leo” o “Benleigh Thiem,” isang pampublikong guro sa Tarlac City.

Sinubaybayan ng pulisya ang online activities at IP addresses ni Tolentino at nadiskubre sa kanyang Google Drive na naglalaman ng 45 video files ng child sexual abuse materials, karamihan ay sangkot ang mga batang lalaki.

Natuklasan din sa imbestigasyon ang paggamit ni Tolentino ng iba’t ibang digital devices, kabilang ang smartphones, flash drives at laptop sa pagtatago at pamamahagi ng CSAMs.

Ang mga biktima, na 13 at anim na taong gulang noong panahon ng umano’y pang-aabuso noong 2017 at 2019, ay sinabi na ginamit ng respondent ang kanyang posisyon bilang guro at nangako ng pera o pagkain para sumunod ang mga ito sa nais niyang ipagawa.

Sinabi ng isa sa mga ito na, sekswal siya umanong inabuso ni Tolentino, ang kanyang dating math teacher, ng maraming beses habang ang isa naman ay bagamat hindi niya naging guro ang akusado, ay madalas umano siyang tinatawag sa kanyang opisina at hinahawakan at hinahalikan umano siya.