Naglunsad ang Police Regional Office Negros Island Region ng Special Investigation Task Group (SITG) upang pamunuan ang malawakang manhunt laban sa suspek sa pagpatay kay Julito “Jaz” Diamante Calo, isang job order worker at community radio block-timer sa Himamaylan City.

Kinondena ng Presidential Task Force on Media Security ang insidente noong Marso 22 at iginiit na ang ganitong pag-atake sa isang mamamahayag ay banta sa kalayaan sa pamamahayag at kaligtasan ng mga mamamahayag sa bansa.

Nagpaabot din ito ng pakikiramay sa pamilya ng biktima at nangakong papanagutin ang mga may sala, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang pabilisin at bigyang prayoridad ang imbestigasyon.

Ayon sa pulisya, nakatayo ang biktima sa labas ng kanyang bahay nang huminto ang isang puting SUV sa harap niya at pagbabarilin siya ng isang sakay nito sa ulo, na agad niyang ikinamatay.

Sinabi ng PRO NIR na isinasagawa ang isang komprehensibo at intelligence-driven na imbestigasyon, kabilang ang pagsusuri ng mga CCTV sa La Castellana, La Carlota City, at mga kalapit na lugar upang matukoy ang ruta ng suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpatupad na rin ang pulisya ng checkpoints, dragnet operations, at iba pang hakbang sa rehiyon, habang pinaigting ang witness protection at pangangalap ng ebidensya.

Nanawagan ang task force sa iba’t ibang sektor na magkaisa sa pagtatanggol sa karapatan at kaligtasan ng mga mamamahayag.

Inilarawan ni Arnold Thomas C. Ibay, direktor ng PRO NIR, ang insidente bilang isang sinadyang karahasan at inatasan ang mga pulis na gamitin ang lahat ng paraan upang agad matukoy at madakip ang suspek at masiguro na walang impormasyong mapapabayaan.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng motibo ng krimen, kabilang ang personal o may kaugnayan sa trabaho, habang nagpapatuloy ang manhunt.