
Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na laganap at “cancerous” ang umano’y korapsyon sa Bureau of Fire Protection (BFP), kaugnay ng modus na kinasasangkutan ng ilang fire inspector at supplier ng fire extinguishers.
Ayon kay Remulla, may mga supplier na nauunang lumapit sa mga negosyante bago ang inspeksyon at nangakong makakapasa ang mga ito kapalit ng pagbili ng kagamitan. Sa kabila ng paglalagay ng body cameras sa mga inspector, patuloy pa rin umano ang mga reklamo.
Ibinahagi rin ng kalihim na nabiktima umano ang kanyang pamangkin sa Silang, Cavite matapos magbayad ng inspection fee ngunit hindi ma-inspeksyonan, at pagbilhin pa ng fire extinguisher na kalaunan ay idineklarang non-compliant.
Naghahanda na ang DILG ng mga kasong graft at bid rigging laban sa mga sangkot, kabilang ang ilang miyembro ng BFP Bids and Awards Committee mula 2015 hanggang 2025. Tinatayang nasa 1,000 personnel ang maaaring maharap sa reklamo.
Posibleng maisampa ang unang batch ng kaso sa susunod na linggo, habang tiniyak ni Remulla na magpapatuloy ang fire inspection services at papalitan ang mga maaapektuhang tauhan.










