
Walang pinagsisihan si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa kanyang mga ginawa, inihayag at nai-post sa social media na siyang ugat ng muling pagpataw sa kanya ng Kamara ng 60 araw na suspensyon.
Ayon kay Rep. Barzaga, malulungkot ang kanyang mga kababayan sa Cavite pero mas malulungkot ang mga ito kung masasangakot siya sa maanomalyang flood control projects o kung yayaman siya galing sa pera ng taumbayan.
Dagdag pa ni Barzaga, pagsasayang lang sa pera ng bayan ang ginawang botohan sa plenary session ng kamara para sa kanyang suspensyon sa halip na inuna ng mga kongresista ang mga mahalagang panukalang batas.
Ayon kay Barzaga, susubukan niyang maghinay-hinay sa pag-post sa social media sa loob ng mga panahong suspendido siya kung saan mas magkakaroon din siya ng pagkakataon na makipaglaro sa kanyang mga alagang aso at pusa.
Nagpasalamat naman si Barzaga sa pahayag ng suporta sa kanya ng Duterte congressmen kaakibat ng kanyang pagbibigay-diin na buo din ang suporta niya sa pamilya Duterte lalo na kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Diin ni Barzaga, bilib siya sa War on Drugs ni Duterte at sa istriktong paraan nito ng paglaban sa krimen na kailangan natin ngayon kontra sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.









