Pinanatili ng Sandiganbayan ang desisyon nitong pagkakait ng bail sa siyam na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nahaharap sa kasong malversation kaugnay ng umano’y substandard na P289-milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

Ayon sa resolusyon ng Sixth Division ng Sandiganbayan, ginawa ng mga akusado ang kanilang sertipikasyon, rekomendasyon, at pag-apruba sa proyekto upang maipalabas ang pondo ng DPWH sa kontratistang Sunwest, Inc., kahit hindi nasunod ang tamang plano at specifications ng proyekto.

Kabilang sa mga hindi nabigyan ng bail ay sina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Montrexis Tamayo, Juliet Calvo, Dominic Serrano, Dennis Abagon, Lerma Cayco, Felisardo Casuno, at Ruben Santos, Jr.

Tinukoy ng korte na walang sapat na dahilan para sa humanitarian release ni Serrano at walang bagong argumento ang iba upang palitan ang desisyon.

Tinanggihan rin ng Sandiganbayan ang depensa ng ilan na hindi sila accountable public officers, dahil sila ang may kolektibong kontrol sa pondo ng DPWH.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaalala ng korte na ang pagkakait ng bail ay hindi nangangahulugang guilty ang mga akusado, kundi pagtimbang lamang ng ebidensya para sa layunin ng bail.

Ang proyekto ay kinontrata ng Sunwest Inc., na isa sa mga itinatag ni dating Ako-Bicol party-list Rep. Zaldy Co.