Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, isang alternatibong paraan ng pagtitipid sa diesel ang ipinakilala ng isang electronics technician sa pamamagitan ng paggamit ng tubig bilang karagdagang sangkap sa makina ng sasakyan.

Itinampok sa isang ulat ang imbensyon ni Joel Pasaraba na isang HHO generator, na gumagamit ng tubig bilang additive sa diesel engine.

Nabuo pa noong 2009 ang naturang teknolohiya, kung saan hinihiwalay ang hydrogen at oxygen mula sa tubig upang makalikha ng gas na ipinapasok sa air intake ng makina.

Distilled water ang ginagamit sa generator, na sinasabing nakatutulong upang mapabuti ang performance ng sasakyan. Ayon sa imbentor, nakakatipid ito ng humigit-kumulang 10 hanggang 20 porsyento sa konsumo ng diesel at nakababawas din sa carbon build-up ng makina.

Kapag nailagay na ang tubig sa HHO generator at pinaandar ang sasakyan, awtomatikong nade-detect ito ng sensor at nagsisimula nang gumana ang sistema.

-- ADVERTISEMENT --

Ibinahagi rin na sa isang biyahe patungong Cagayan Valley, isang baso ng tubig ang naidagdag sa sasakyan at nakatakbo ito ng hanggang 600 kilometro. Sa paggamit umano ng teknolohiya, ang isang litro ng tubig ay nakatutulong upang makatakbo ang sasakyan ng hanggang 14 kilometro, kumpara sa dating 9 hanggang 10 kilometro kada litro ng diesel lamang.

Mahigit walong taon nang ginagamit ng imbentor ang nasabing sistema sa kaniyang sasakyan bilang bahagi ng kaniyang eksperimento at aplikasyon ng teknolohiya.