
Ibinasura ng Supreme Court En Banc ang petisyong naglalayong obligahin ang Senate Blue Ribbon Committee na ilabas ang draft report nito sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Ayon sa Korte Suprema, walang constitutional o legal obligation ang komite na ilabas ang hindi pa pinal na draft report. Anila, magiging bahagi lamang ito ng opisyal na rekord ng Senado kapag natapos, inaprubahan ng komite at naisumite sa plenaryo.
Naghain ng petisyon noong Marso 2026 sina lawyers Eldrige Marvin Aceron, Sikini Labastilla at Purificacion Bartolome-Bernabe, na nagsabing mahalagang matukoy ang anumang pagbabago mula sa orihinal na draft hanggang sa final report.
Una nang sinabi ni Senator Panfilo Lacson na inirekomenda umano sa draft report ang pagsasampa ng criminal at administrative charges laban kina Senators Joel Villanueva, Jinggoy Estrada at Chiz Escudero, dating senador Bong Revilla, dating Ako Bicol Party-list representative Zaldy Co at dating Caloocan representative Mitch Cajayon-Uy.
Hindi rin tinanggap ng SC ang argumento na nilabag ng komite ang right to information ng mga petitioner. Ipinaliwanag ng Korte na hindi absolute ang karapatang ito at may kinikilalang limitasyon, kabilang ang deliberative process privilege.
Iginiit din ng SC na hindi dapat panghimasukan ng korte ang mga usaping nasa discretion ng Kongreso at mga internal procedure nito, hangga’t naaayon sa Konstitusyon.






