Nanawagan ang isang Senador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahan na urgent ang panukalang-batas para sa P100 na pagtaas ng arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sinabi ni Senator Joel Villanueva, chairperson ng Senate committee on labor, employment, and human resource development, na dapat na maramdaman ng mga manggagawa ang paglago ng ekonomiya nitong 2024.

Idinagdag pa ni Villanueva na malapit nang magsara ang 19th Congress, kaya dapat na bilisan ang mga talakayan at matiyak na maging batas ito bago ang kanilang adjournment.

Iginiit niya na dapat na siguraduhin na may kakayang mamuhay ng maayos ang mga maggagawa sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Matatandaan na inaprubahan ng Senado sa third at final reading ang SB 2534 o ang panukalang-batas na nagtataas sa P100 ang daily minimum wage ng mga manggagawa noong February 2024.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kamakailan lang ay inaprubahan ng committee on labor and employment sa Kamara ang P200 across-the-board daily wage hike.

Sa kabila ng pagkakaiba ng panukalang-batas sa Senado at Kamara, sinabi ni Villanueva na ang mahalaga ay maitugma ang sahod ng mga manggagawa sa living wage.