Isinusulong ngayon ng Senate Committee on Basic Education na paikliin na lamang ang haba ng pag-aaral sa kolehiyo at gawin itong dalawa o tatlong taon, imbes na alisin ang Senior High School sa ilalim ng K-to-12 program.

Ayon sa komite, maraming asignatura sa kolehiyo ang inuulit lamang mula sa mga napag-aralan na sa Senior High School.

Dahil dito, nasasayang umano ang ilang taon ng mga estudyante sa kolehiyo.

Hinimok ng mga senador ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na mag-usap at pag-isipan ang pagsasaayos ng mga kurikulum upang mapadali ang pagtatapos ng mga mag-aaral.

Sa kasalukuyan, umaabot ng apat hanggang limang taon bago makapagtapos ng isang kurso.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Senado na kung hindi kikilos ang dalawang ahensiya, magsusumite sila ng panukalang batas sa ika-20 Kongreso upang gawing opisyal na dalawang hanggang tatlong taon na lang ang kolehiyo.

Matatandaang una nang iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pagbuwag sa Senior High School dahil umano’y wala itong naibibigay na tunay na benepisyo sa mga mag-aaral.