Malinaw para kay House prosecutor Ysabel Maria Zamora na ang pagpapalit ng liderato sa Senado ay may direktang kaugnayan sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Zamora, ang pagbabago ng anyo ng pulitika sa Senado ay makakaapekto sa impeachment lalo’t kuwestyonable na ang timing.

Binanggit nito na ginawa ang kudeta sa Senado kasabay ng deliberasyon ng Kamara sa plenaryo sa resolusyon kalakip ang Articles of Impeachment.

Aminado rin si Zamora na ang kudeta, pamamaril sa Senado at ang pagsulpot ni Senador Bato Dela Rosa ay bahagi ng plano na iantala ang impeachment.

Sa kabila nito, binigyang-diin ng kongresista na ayaw nilang magpadala sa ingay at nakatutok sila sa paghahanda para sa impeachment trial gaya ng pagsasanay ng litigation, pagkumpleto sa testimonial evidence at mga witness, pati na ang specific assignment ng bawat prosecutor sa direct at cross-examination.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok naman ni Zamora ang civil society groups na tumulong na ipaunawa sa mamamayan ang proceedings lalo na ang legal terms.

Samantala, nagbabala si Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na lalo lang ipapahiya ng Senado ang institusyon kung pipigilan ang impeachment proceedings.

Sabi pa nina House prosecutors Leila de Lima at Chel Diokno, pag-uusapan pa nila kung personal na silang magpapakita sa Senado sa Lunes.

Wala na anilang choice ang Senado kundi mag-convene dahil ito ang utos ng Saligang Batas.