
Nanawagan ang Cagayan Valley Kalinga Apayao Transport Cooperative na bumabiyahe sa lungsod ng Tuguegarao na ipatupad ang service contracting program upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, hindi lamang sa hanay ng public utility vehicles, kundi maging sa mga mananakay.
Sinabi ni Benigno Bawet, presidente ng nasabing kooperatiba, bukod sa ibibigay na fuel subsidy, naniniwala siya na may pondo para sa nasabing programa na pagkakaroon ng libreng sakay na unang ipinatupad noong panahon ng pandemya.
Ayon sa kanya, mas mainam ang nasabing programa upang lahat ng sektor ay makinabang.
Kaugnay nito, sinabi ni Bawet na umaabot na 40 percent ang ibinawas na rin sa kanilang kita dahil sa malayo na ang agwat ng presyo ng diesel kumpara noong hindi pa sumiklab ang kaguluhan sa Middle East.
Bukod dito, sinabi niya na nabawasan na rin ang mga commuter.
Dahil dito, sinabi niya na kinailangan nilang magpatupad ng hakbang upang patuloy ang kanilang pamamasada.
Sinabi ni Bawet na rotation na ang pamamasada ng kanilang mga miyembro, at nawala na rin umano ang mga sumisibat na mga sasakyan.
Idinagdag pa niya na hindi pa sila nagpapatupad ng taas-pasahe dahil wala pang ibinababa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) central office.










