
Tuloy-tuloy ang paghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng LPG ang mga kumpanya sa bansa kasunod ng aberya sa suplay mula sa ilang pangunahing producer.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, nagkaroon ng problema matapos mahinto sa pag export ang ilang major supplier, kaya napilitan ang mga kumpanya na maghanap ng ibang source.
Umabot na umano hanggang Australia at Estados Unidos ang paghahanap ng bagong source, bukod sa karaniwang suppliers tulad ng China at Hong Kong.
Sa ngayon, nasa 32 days ang suplay ng LPG sa bansa, mas mataas sa karaniwang 15 araw ngunit aminado ang DOE na hindi pa ito komportableng numero.
Nakikipagtulungan na rin ang pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company o PNOC para sabayang umangkat ng LPG kasama ang mga pribadong kumpanya.
Layunin nitong madagdagan pa ang suplay lalo na’t ginagamit ang LPG hindi lamang sa mga kabahayan kundi pati sa restaurants, food production, at iba pang negosyo.
Samantala, aminado ang DOE na tumaas ang presyo ng LPG sa merkado, mula sa tinatayang 1,100 piso hanggang umabot sa halos 1,500 piso.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na buwanan lamang ang galaw ng presyo ng LPG, kaya hindi dapat ito nagtataas araw-araw.










